Wika ng karunungan, ipinagdiwang ng Claret
- John Christopher O. Cuepo
- Sep 13, 2016
- 1 min read

Ipinagdiwang ng paaralang Claret ang Buwan ng Wikang Filipino 2016 na may temang “Ang Wikang Filipino: Wika ng Karunungan.” noong ika-22 ng Agosto hanggang unang araw ng Setyembre sa pangunguna ng Filipino Area.
“Ang kahalagahan ng tema ngayong taon ay naipakikita at naipamamalas ng mga Claretiano sa pagiging intelektwalisado sa ating sariling wika sa pamamagitan ng iba’t ibang aspekto. Sa tulong ng iba’t ibang gawain ay naitanghal natin ang angking kahusayan at kagalingan ng mga Claretiano,” pahayag ni Bb. Jiellian Enano. Kasama rin niya bilang punong tagapamahala si G. Glen Agoncillo sa nasabing pagdiriwang.
Ang Batch PiyesTagisan ang naging highlight ng pagdiriwang ito. Ito ay patimpalak sa pagdidisenyo ng pasilyo ng bawat baitang ayon sa piyestang kanilang nabunot. Ang Masskara ng ikalabindalawang baitang ang nakakuha ng Unang Gantimpala, habang ang Panagbenga naman ng ikasampung baitang sa Ikalawang Gantimpala, at Higantes ng ikapitong baitang para sa Ikatlong Gantimpala. Ang Ati-atihan, Pahiyas, at Sinulog naman ang mga pistang itinanghal ng ikawalo, ikasiyam, at ikalabing-isang baitang, ayon sa pagkakasunod-sunod.
Nagkaroon din ng mga paligsahang susubok sa talento at talino ng mga Claretiano sa lahat ng baitang. Pinarangalan ang mga nanalo noong ika-31 ng Agosto at ika-1 ng Setyembre sa AVR.
Ang mga sumusunod ang nagkampeon sa kani-kanilang paligsahan:
Mimesis: Philippe Fabian at Austin Basconcillo
Masining na Pagkukwento: Enrico Garcia
Pagsulat ng Tula: John Agpawa
Hugot Wika: Patrick Salvador, Lorenzo Teran at Neil Trinidad
Paggawa ng Poster: James Habon
Pagsulat ng Sanaysay: Dwight Palma
Patinikan: Karl Aquino, Antonith Telesforo at John Cuepo
Paggawa ng Maikling Pelikula: Isaiah Mercader, Juan Medenilla, Lyon Guico, Rex Morales at James Carpina
תגובות