top of page

Ang Mapait na Lasa ng Dugo at Bakal

  • Julian Miguel Relente
  • Oct 11, 2016
  • 3 min read

“Huwag tularan. Drug pusher ako.” Ang pinakamahalagang misyon ng administrasyong Duterte ay ang masugpo ang ilegal na droga sa ating bansa. Ayon sa kanya, ito ang pinakamalaking salik sa pagkakaroon ng krimen sa ating bansa. Sa unang dalawang buwan na pamamahala ni Pangulong Duterte, malaki na ang ibinaba ng dami ng mga gumagamit ng droga sapagkat isa-isa na silang tintugis ng pulisya sa Oplan Tukhang. Halos mag-iisang milyon na ang mga sumusuko sa pulisya. Ayon sa datos noong ika-13 ng Agosto ng 2016, umaabot na ng anim na libo ang mga naaresto. Ngunit sa kabila nito, halos 1,800 na ang mga namamatay dahil sa giyera kontra droga. 756 ang sinasabing napatay ng pulisya habang ang pumatay sa ibang 1,160 ay hinahanap pa.


Nakaaalarma ang pagdami ng mga namamatay sa mg operasyong kontra-droga. Nagiging masyadong madugo ang labanang ito, pero kung tutuusin, normal lang ito sa bawat giyera, ngunit hindi magandang senyales ang pagdami ng mga namamatay. Ito ay senyales na hindi naman talaga gaanong binibigyang-importansya ang buhay ng mga taong ito dahil sila ay kilala lamang bilang mga tagadala ng takot at kasamaan sa lipunan. Ito ay senyales na sa oras na sinubukang lumaban ng mga taong ito, walang pag-aalinlangang ipuputok ng mga pulis ang kanilang mga baril.


Karamihan sa mga hindi sumasang-ayon ay magsasabing “Hindi naman din marunong magbigay-galang sa buhay ng iba ang mga drug pusher na ‘yan.” Para sa karamihan, mas mahalaga ang buhay ng mga inosente kaysa sa mga buhay ng mga adik na walang ginawa kundi maging panganib sa buhay ng mga walang kalaban-laban. Ang mga mahihirap ngayon ay nabubuhay sa takot dahil alam nila na ang kapitbahay nilang gumagamit ng shabu ay maaaring mawala sa sarili at saktan sila. Ito ang dahilan kung bakit nahihirapang pagbigyan ng mga tao ang mga drug pusher.


Ang mga adik na nasa ating bansa ay may pag-asa pang magbago. Kung may kayang tumulong sa kanila, ang gobyerno ang may pinakakayang gumawa noon. Pero, paano mababago ang tao kung patay na siya? Kahit na nanlaban ang mga adik, kaya naman silang hulihin ng pulis nang hindi sila napapatay. Kung gayon, may pag-asa sana ang mga pamilya nila na isang araw, uuwi ang mahal nila sa buhay na bagong tao na. Kung gayon, nabawasan sana ang mga gumagamit ng droga nang hindi nababawasan ang mga taong buhay. Ang iniiwasan kasi rito ay ang makapatay ng suspek na hindi pa naman talaga siguradong gumawa ng krimen tulad ni Rowena Tiamson, isang choir member na taga-Pangasinan na nagtatapos ng Mass Communications sa Colegio de Dagupan. Malaki ang mga pangarap para sa sarili at pamilya ngunit lahat ito ay nabura noong Hulyo 19, 2016 nang siya ay nakitang patay na may cardboard na nakasulat na “Huwag tularan, pusher”. Lahat ng ipinundar niyang pangarap, nabura. Kinumpirma ng Pangasinan Provincial Police na hindi talaga pusher si Rowena Tiamson. Ganitong kaso ang ating iniiwasan—ang makapatay ng inosente naman talaga. Kung ang iyong mahal mo sa buhay na pinaghihinalaan lamang ay napatay ng grupong bihilante, may hustisya ba?


Karamihan na ng mga tao ngayon ay hindi na naniniwala na kaya pang magbago ng mga drug pusher dahil sa oras na nakalanghap muli sila ng droga, babalik-balikan nanaman nila ito at babalik sila sa pagiging panganib sa bansa, balakid sa pag-unlad nito, at ugat ng kasamaan at krimen.


Dahil dito, nararapat lamang na tulungan ng gobyerno ang mga adik na dapat ipasailalim sa proseso ng rehabilitasyon. Bukod sa baril, dapat ay gumamit ang mga pulis ng non-lethal weapons gaya ng pampakuryente o taser. Sa ganitong paraan, madaling mahuli ang mga suspek nang hindi sila napapatay. Ngunit kung ating titngnan, mas marami pa rin ang mga pinatay ng mga hindi kilalang grupo kaysa sa mga pulis. Para sa akin, talagang mawawala ang problemang ito kung masisira na ang mga grupong maaaring mga sindikato rin ng droga. Ang dasal nating lahat ay para sa mga pulis na namatay, gaya ni Senior Inspector Mark Gil Garcia, ang pinakamatalinong intelligence officer ayon sa kanyang mga kasama, na namatay sa drug-bust operation, at pati na rin sa mga napatay, lulong man sa droga o hindi.


Kahanga-hanga ang mga nagawa na ng administrasyong Duterte ngunit sana, maging mas maingat sila dahil ang buhay ng tao ay hindi na mababawi sa oras na kitilin ito. Hindi ko inaasahang mababalik pa sa mga taong ito ang dating pagtingin ng mga tao noong hindi pa sila nalululong sa droga, pero inaasahan ko na darating ang panahon na sila ay magbabago dahil sa tulong ng gobyernong responsable at hindi nagpapabaya sa mga mamamayan nito, masama man o hindi.

Commentaires


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page