top of page

Bago Nating Pagsisimula

  • Baron Bacad
  • Oct 11, 2016
  • 2 min read

“Bagong simula. Bagong simula dahil hindi lahat ng katapusan ay maganda ang kinalalabasan.” Sa muli kong pagpasok sa paaralang Claret, hindi ko inaasahang malaki ang aking pagbabago bilang isa sa mga unang batch ng Senior High School. At sa ayaw ko man o sa gusto mayroon itong epekto sa bawat isa.


Para sa akin, ang simula ng pagbabagong ito ang magiging gabay naming mga nasa ikalabing-isang baitang para mas lalong magpursigi sa nalalabi naming dalawang taon sa hayskul. Dahil sa programang ito, inaakay kami kung paano ang magiging kalagayan namin sa kolehiyo nang sa gayon ay maging handa at may sapat na kaalaman pagkatapos ng sekondarya. Oo, hindi madaling maging mag-aaral pero makakayanan naman kung may diskarte para magkaroon ng magandang marka. Lahat naman tayo kayang magbago sa sarili nating paraan. Kaya nating pagbutihin pa ang mga sarili. Naalala ko nga noong unang taon kong pumasok sa Claret. Hindi naalis sa aking isipan na ang mga Claretiano ay masisipag, maginoo, at marunong humawak ng responsibilidad. Bagamat bigo man akong maging ganoon, sinubukan kong baguhin ang aking sarili. Pinursigi kong magsagawa ng advance study para may kaunting kaalaman ako sa aralin. Iniwasan ko ang pagbababad sa internet. Pumasok din ako nang maaga upang maihanda ang sarili para sa araw na darating. Mas pursigido na rin akong makatapos ng pag-aaral, at marunong na akong makisama. Ngayong kami ay nasa ikalabing-isang baitang, nakita ko ang kaibahan ko sa batch, at para sa akin, naging maganda ang pagiging maalam tungkol sa pagbabago. Mas magiging matalino sa pagdedesisyon ng bawat gawain. Marami rin ang nanibago dahil sa pagkakaroon ng mga babaeng estudyante ng paaralan kaya ang pakikisama ay napakahalaga talaga.


Ngayon, mas pursigido na rin ang aking mga kasamahan upang makakuha ng mas mataas pang marka. Nagkaroon na sila ng kanya-kanyang inspirasyon, maski ako ay nakakuha na rin. Ang mas kailangan pa natin ay mas ayusin ang paggamit ng oras: kung mas uunahin ba ang paglalaro o gagawa ng takdang-aralin. Kailangan nating pumili ng mas kapaki-pakinabang na gawain, dahil hindi lahat ng katapusan ay maganda ang kinalalabasan. Kaya ngayong nagsimula na ang pasukan, inaasahan kong mas lalo pang lalawak ang pag- iisip at pang-unawa, hindi lamang sa aming batch kundi pati na rin ang iba pang Claretiano. Dito malalaman kung ano pa ang ating kakayahan. Dito malalaman na kaya pala nating magbago. Kailangan nating maniwala, kailangan nating tumaya para sa bago nating pagsisimula.

Comments


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page