Ito’y Hindi Basurahan
- Isaac Joshua C. Ramos
- Oct 11, 2016
- 3 min read
Hindi kailanmang bukas-kamay na ineengganyo ng sahig ang makatanggap ng kung anu-anong mga desetsong bagay. Ang mga hagdan at pasilyo—ang mga ito’y dinisenyo at ginawa upang maging lakaran ng mga tao ngunit tila may mga mag-aaral na nais gawing trash collage ang tema nito. Kadalasa’y makikita pa ang mga napag-inumang baso na nakapatong sa may hawakan ng hagdan o kaya nama’y nakasingit sa mga disenyong butas ng pader sa pasilyo, at minsan pa’y pinagkakasya sa maliliit na sulok. Kung ito’y pagtatangkang bigyang-buhay ang para sa iba’y kabagut-bagot na kapaligiran, hindi ito gumagana at kailanma’y hindi ito gagana.
Noon pa ma’y itinuturo na sa ating lahat na may tamang lugar para sa lahat ng bagay at lalo nang may tamang tapunan ng basura. Sa pamumuhay nga natin bilang mga mag-aaral, imposibleng hindi kailanman natalakay ang isyung iyan sa klase. Nakagagawa pa nga tayo ng mga mahahabang sanaysay na tugon sa mga tanong na ganito at mataas pa ang nakukuhang marka. Bakit naman kaya sa paulit-ulit at walang tigil na karanasan natin sa pagtuklas sa usaping ito’y tila namanhid na ang ilan sa atin at wala nang pakialam kahit pa mag-umapaw ng mga basura sa pasilyo at hagdan? At bakit umabot pa sa puntong kailangan na talagang ipamukha sa mga mag-aaral ang isyung ito sa pamamagitan ng nakadikit na papel sa poste ng lobby kung saan nakasaad: “Claretians are used to throwing their grabage here.”? Hindi ba ito ay isang malaking sampal sa ating pagiging edukado?
Marahil may ibang magsasabing napakaeksaherado naman ng mga nasabi kong punto pero kung ating titingnan, kung hindi nakararanas ng mahigpit at maigting na pagkundena ang isang bagay na marapat ay kinukundena, magpapatuloy lamang ito. Minsan, mayroon akong nakitang baso na iniwan lamang sa may kalsada sa labas ng Claret kung saan nakalagay ang brand na “Cool Brian” at wala namang pagtatanggi na sa loob ng paaralan nanggaling iyon. Kung ito ang ipinapakita natin sa labas ng paaralan, paano natin lubusang isasabuhay ang Justice, Peace, and Integrity of Creation na pinakagigiliwan natin, kung kahit katiting nito ay hirap na hirap na tayong gawin? Masyado nang marumi ang mundo; dadagdag pa ba tayo? May ibang magsasabi na sa loob lamang naman ng paaralan ang mga kalat na ito, ngunit sa aking palagay hindi lamang ito ang dapat pagtuunan ng pansin. Mas matimbang na pag-ukulang-pansin ang kaugaliang ito, dahil kung sa loob palang ng paarala’y kung saan-saan na tayo nagtatapon at dumudura at nagsusulat ng kung anu-ano, paano pa kaya paglabas natin dito kung saan mas malaki na ang gagalawang mundo?
Kaya naman natin. Oo, Claretiano tayo. Hindi ba at ipinagmamalaki natin iyon? Kung hindi naman kayang ipagmalaki ng iba na Claretiano sila, masasabi ko na kahit ganoon ang pagtingin, marapat lamang na kumilala ng utang na loob sa paaralang kumupkop at sa ilang paraa’y humubog sa pagkatao nila. Isang paraang bagamat simple lamang ay talagang makatutulong ay ang pagpapanatili ng kaayusan at kalinisan ng kapaligiran. Kahit pa sabihin nating may mga tagapaglinis, mas maganda pa ring may sarili tayong pagkukusa upang matulungan na rin silang mapagaan ang trabaho at upang matulungan ang ating mga sarili na iangat ang antas ng kulturang Claretiano. Sa canteen, maaari nating iligpit nang maayos ang pinagkainan. Kapag may nakitang mga kalat sa paligid, maaaring kunin at itapon sa tamang basurahan. Kahit pa pakonti-konti lang ang gumagawa’y makatutulong pa rin ito. At kung may mang-aasar man na “Tagapulot ka na pala ng basura ah,” isantabi na lamang at ipagpatuloy ang paglilinis at isipin na mas mabuti na iyon kaysa basura ang ugali.
“Ito’y hindi basurahan” — kung may boses lamang ang mundo na sintunog ng atin, ito ang maririnig. Ang mundo’y hindi isang malaking basurahan. Hindi ito ginawa upang maging tambakan kundi upang lakaran at galugarin ng mga taong may matatayog na pangarap at prinsipyo. Ang paarala’y isang maliit na mundong punung-puno ng mga taong may hangaring matuto. Ngunit hindi natatapos sa matataas na marka at pagpasa ang buhay rito. Ang pagkatuto ay isang karanasan at kailangang magamit ang mga natutunan sa totohanan dahil iyon naman talaga ang punto at dahilan kung bakit tayo nag-aaral. Nawa’y hindi manatili lamang na isang unyon sa pagitan ng bolpen at papel ang mga salitang “Magtatapon ako ng basura sa tamang tapunan nito.” At, sa susunod na tangkain mong maghulog ng basura sa kung saan lamang, tandaan mong hindi iniiwan lamang nang ganoon ang mga ginamit at dahil ang mga iyon ay may tamang lugar sa kalakhan ng umiinog na mundo.
תגובות