top of page

Pak na Pak Pero Ba't Ganern!?

  • Lorenzo Emmanuel A. Arroyo
  • Oct 11, 2016
  • 3 min read

Sa kasalukuyang panahon na kung saan halos lahat ng tao’y nakaharap sa kani-kanilang mga gadyet, kasabay ang pag-usbong ng iba’t ibang pakulo ng mga netizens. Nandiyan ang iba’t ibang pagsasayaw sa mga dance craze na nagsimula sa pagda-dubsmash sa kantang, “Twerk It Like Miley” ni Brandon Beal; nandiyan ang hindi mamatay-matay na hugot na para bang ang buong Pilipinas ay sawi; at, nandiyan na rin ang mga salita na para bang gusto na nilang isama sa diksyunaryong Tagalog – gaya na lamang ng “pak ganern!”


Ang mga katagang “pak” at “ganern” ay produkto ng malikhaing pag-iisip ng mga ‘binabae’ o ng mga miyembro ng LGBT community. Ang mga salitang ito ay ilan lamang sa mga salita at pariralang bumubuo sa tinatawag nating “Gay Lingo” o mas kilala sa tawag na, “Bekimon.” Nagsimula itong gamitin ng mangilan-ngilang mga kilalang komedyante gaya nina Jose Marie Viceral o mas kilala sa tawag na “Vice Ganda” at matapos ay samu’t saring mga netizens na ang nakikigamit nito. Ngunit, sa pagsikat at pag-usbong ng ganitong kagawian, tanggap na ba ng sambayanang Pilipino ang LGBT Community?


Wika. Lahat ng tao sa buong mundo ay gumagamit ng wika. Kahit ang mga pipi o ang mga bingi ay may sarili nilang pamamaraan ng pagwika. Sa isang aspeto ng wika makikita ang isang ideolohiya ng mga tao: hindi ka gagamit ng wikang nagmula sa isang lupon o grupo ng mga taong hindi mo naman gusto. Halimbawa, tayong mga Pilipino, bukod sa katutubong wika o Native Language na ating ginagamit, hindi tayo kailanman gagamit ng wikang banyaga na hindi naman natin gusto—sa aspeto man ng kultura, pagkain, o pananamit. Dahil bakit mo nga naman gagamitin ang isang bagay na hindi mo naman gusto, hindi ba? Isang kabaliwan ang gumamit ng isang bagay na hindi mo gusto, siguro na lamang kung ika’y pinilit lamang.


Sa aspeto ng Gay Lingo, sa mga salita o pariralang katulad ng “pak ganern” nakukuwestyon ang ideolohiyang iyon. Halos lahat ng mga Pilipino’y walang habas kung gumamit ng mga salitang sumasailalim sa kategorya ng Gay Lingo. Kaliwa’t kanan ang maririnigan mo ng “pak ganern”, “chos”, “charot”, “char”, “anetch”, “sinetch”, “waley”, “havey” at kung anu-ano pa. Pero, bakit ganoon? Minamahal natin ang wika ng mga ‘binabae’ ngunit hindi natin sila magawang tanggapin o tingnan nang walang panghuhusga? Kung tingnan natin sila’y tila parang mga kriminal kahit wala naman silang ginawang masama o para bang mga taong pabigat na lamang sa lipunan. Ikaw, sa ating paaralan, hindi ka ba nanghuhusga ng mga kamag-aral mo lalo na ang mga ‘binabae’?


Hindi man kasalanan ang pagpili ng mga taong makakasama pero kasalanan ang panghuhusga nang walang batayan sa kapwa mong tao. Hindi ba’t nakalilito na wagas tayong makagamit ng salita ng mga ‘binabae’ pero labis naman ang ating panghuhusga sa kanila? Bakit ganoon? Ano bang meron sa kanila? Masasabi mo bang lahat ng mga ‘binabae’ ay masasamang tao? Bakit, lahat ba ng ‘tuwid’ ay mabubuti? Masasabi mo rin bang masama ang lahat ng mga ‘binabae’ dahil “hindi sila sumusunod sa utos ng Diyos?” Bakit, lahat ba ng nagsisimba ay mabuti? Mahirap mamuhay sa isang mundong puro panghuhusga ang ibinabato sa’yo.


Bilang isang mag-aaral na ang prayoridad ay ang mag-aral lamang, maaaring isang katiting na usapin lamang ito ngunit dapat mangialam din tayo. Hindi ito direktang nakaaapekto sa ating pang-araw-araw na pamumuhay—pwera na lamang kung tayo’y miyembro ng LGBT Community. Ngunit, bilang susunod na henerasyon ng mga Pilipinong magpapatakbo sa ating bansa, paano natin pahahalagahan ang isa’t isa tungo sa kaunlaran? Tandaan, ang kaunlaran ng isang bansa ay nakasalalay sa pagkakaisa ng bawat mamamayan nito. Paano na lang kung hanggang sa ating pagtanda, mayroon pa rin tayong mga kababayan o kapwa na hinuhusgahan? Sabi nga sa atin ng ating Panginoon, “mahalin mo ang iyong kapwa katulad ng pagmamahal Ko sa inyo.” Kung kaya’t nararapat na lamang na tayo’y magkaisa tungo sa pag-asenso ng bansa. Ano bang meron sa ating kasarian? Lahat naman tayo ay pare-pareho sa mata ng Maykapal.


Kung kaya’t kayo ay aking hinahamon. Hinahamon ko kayong burahin sa inyong mga isipan ang panghuhusga sa ating kapwa—sa mga binabae man, sa mga mahihirap, sa mga katutubo, o sa pangkalahatan. Hindi ito magandang gawain at siguradong ikaw mismo ay magagalit kapag ika’y hinusgahan ng ibang tao. Sabi nga nila, ‘wag mong gagawin sa iba ang ayaw mong gawin sa’yo. Anuman ang mangyari, ang pak ay hindi pak kung walang ganern, at ang ganern ay hindi ganern kung walang pak. Pak ganern!

Comentarios


Featured Posts
Recent Posts
Archive
Search By Tags
Follow Us
  • Facebook Basic Square
  • Twitter Basic Square
  • Google+ Basic Square
bottom of page