Rehiyong Tsina sa Pilipinong Isla
- Marco Cuevas
- Oct 11, 2016
- 4 min read
Malamang napakinggan na ninyo ang balitang ito, pero sa totoo lang, sino ang hindi pa? Ang Panatag Shoal o Scarborough Shoal ay may 124 nautical miles kanluran mula Luzon at 500 nautical miles timog-silangan naman mula Hainan, Tsina. Ito ang nagpapatunay na mas malapit ang mga islang ito sa Pilipinas, ngunit bakit nga ba inaangkin ito ng Tsina? Noong hindi pa dumarating ang mga Tsino, ang ating mga kababayan ay nakapaglalayag at nakapangingisda na nang malaya sa mga islang ito. Subalit, dahil sa napakaraming yamang mineral at langis na matatagpuan, ito’y binigyang-pansin ng bansang Tsina at nagsimula ang pagdating ng kanilang mga barko at pagsasagawa ng reklamasyon sa mga isla. Sa aking maingat na pagsusuri sa mga mahahalagang detalye ukol sa isyung ito, ako ay lubusang naniniwala na ang Republika ng Pilipinas ang may tanging karapatang angkinin ang Panatag Shoal.
Ang katotohanan, walang kakayahan ang Pilipinas na bantayan ang bawat rehiyon ng dagat na nasasakupan ng ating bansa. Ang dahilan ay kapos ang bilang ng mga barko para sa ating hukbong pandagat na kung saan may 103 na aktibong barko ang ginagamit lamang sa pagbabantay sa mga rehiyon natin. Ang buong bansa ay may laki na 300,000 kilometro kwadrado (km2) kasama na ang libu-libong isla na mayroon ito, ngunit ang tanging kakayanan lamang ng isang barko mula sa ating hukbong pandagat ay bumiyahe ng 26,700 km nang hindi nagpapagasolina. Sa kasalukuyan, may mga Pilipinong sundalong nananatili sa rehiyong ito, at sila’y nakabantay sa loob ng BRP Sierra Madre. Ito ay isang nabubulok at kinakalawang na barko mula 1999 na dating ginagamit ng mga Amerikano sa labanan noong Ikalawang Digmaang Pandaigdig, pero ngayon ay nakatengga na lamang sa Scarborough Shoal upang hindi tuluyang makapasok ang Tsina., Hindi sila maaaring lumaban sa mga Tsino kundi magbigay lamang ng mahahalagang impormasyon sa ating gobyerno sa mga nangyayari upang masuri nila ito nang mabuti.
Huwag nating kalimutan na ang Tsina ay kasapi sa G20 o samahan ng mga bansang may matatag na ekonomiya. Ang Tsina rin ay may maraming koneksyon sa iba’t ibang mga malalaki at mauunlad na bansa tulad ng United States, United Kingdom, Russia, Australia, Italy, at iba pa. Ang kapasidad ng buong pwersang militar ng Pilipinas ay hindi aabot sa kakayahan ng hukbong pandagat at hukbong himpapawid ng Tsina. Ang bilang ng mga sasakyan ng Armed Forces of the Philippines tulad ng eroplano, barko, at tangke ay umaabot sa 1,400 habang ang bilang ng barko at eroplano ng Tsina ay 3,656 at higit 10,000 na tangke mula sa militar.
Ayon sa naganap na Permanent Court of Arbitration Hearing sa The Hague, Netherlands noong Hulyo 12, 2016 na tumalakay sa suliranin sa West Philippine Sea, walang legal na basehan ang Tsina sa kanilang sinasabing makasaysayang “nine-dash line” sapagkat ang rehiyon na iyon ay nasa Exclusive Economic Zone o EEZ ng Pilipinas at ito’y hindi sumasang-ayon sa mga patakaran ng United Nations Convention on the Law of the Sea o UNCLOS. Subalit, hindi ito naging hadlang para sa Tsina na ipagpatuloy ang kanilang paghukay at pagmimina ng mga kayamanang mineral at langis na matatagpuan dito. Dahil sa mga barkong nakaparada sa mababaw na bahagi ng dagat upang magbaba ng gamit pangkonstruksyon, nasisira ang mga coral reefs na matatagpuan dito. Ito rin ay maaaring maging banta sa ecosystem ng mga isdang naninirahan dito at sa mga halaman sa ilalim ng dagat. Ito ay hindi rin naging hadlang sa tuluyang paglalagay at pagpapalawak ng “artificial islands” para makapagtayo ng paliparan na maaaring lagyan ng mga “fighter jet” mula sa kanilang militar na kayang makapunta sa Pilipinas sa loob ng 30 minuto o mas kaunti pa. Nagkakaroon din ng pagtatayo ng mga gusali at daungan sa timog na bahagi ng Panatag Shoal. Ang islang ito ay maaari ring maging lugar na kung saan puwedeng magpatayo ng mga base militar na makapagbibigay ng banta sa seguridad ng ating bansa.
Ang desisyon mula sa arbitration ruling ay hindi natin dapat tingnan bilang kalamangan para sa ating bansa kundi ito ay mga dokumentong nakaupo at nakatago lamang sa makasaysayang arkibos para makita ng susunod na daan-daang henerasyon. Sa maikling salita, ang desisyon ng korte ay hindi makapipigil sa tuluyang reklamasyon ng Tsina sa mga isla. Ang mga pagdaragdag ng mga materyales pangkonstruksyon, sundalo, barko, at speedboat na nagpapatrolyo sa West Philippine Sea ay patunay na tuluy-tuloy ang reklamasyon ng Tsina sa mga isla at hindi sila kasalukuyang mapipigilan ng sinuman.
Sa aking pananaw, ang kinakailangang gawin upang lutasin ang suliraning ito ay ang pagpapatuloy ng Pilipinas ng mga bilateral talks at diplomatic meetings sa mga karatig nating bansa. Gayumpaman, kailangan ding makipag-usap ng ating gobyerno sa mga bansang may tunggalian din sa Tsina tulad ng Brunei, Malaysia, at Vietnam na bahagi sa alitan ng mga rehiyon ng dagat. Ito’y maaaring solusyunan sa ginanap na Association on Southeast Asian Nations o ASEAN Summit noong Setyembre 6-8. Ito’y dinaluhan din ng iba’t ibang delegado mula sa makakapangyarihang bansa tulad ng United States at Russia. Inaasahan na sa pagpupulong na ito, mabibigyang-pansin ng mga kasapi sa ASEAN ang suliraning ito.
Pagdating ng panahong makapapasok ang mga Pilipino sa Panatag Shoal, ang mga kayamanang mineral at langis ay maaaring ubos na dahil ginamit na ito ng Tsina. Ito ay dapat bigyang-pansin ng ating gobyerno sa madaling panahon upang maiwasan ang hidwaan na maaaring umabot sa di kanais-nais na pangyayari tulad ng putukan sa pagitan ng mga Pilipino at Tsinong coast guard, at pagkakaroon ng digmaan sa pagitan ng sandahatang lakas ng dalawang bansa. Ito’y dapat ding angkinin ng Pilipinas habang maaga pa upang magamit natin ang mga islang ito para sa pag-unlad ng sarili nating ekonomiya at para sa ikabubuti at pag-asenso ng mga susunod na henerasyong Pilipino. Habang ang Pilipinas ay nagpupunyagi upang umangat at maging matatag ang ekonomiya, ang Tsina ay tuluyang inaangkin ang sariling atin. Ang suliraning ito ay hindi alitan sa pagitan ng dalawang bansa, kundi ang alitang ito ay makaaapekto sa iba’t ibang bansa sapagkat may mga pang-ekonomiyang interes na nakasalalay rito. Sa dulo ng lahat, hindi ito tungkol sa kung sino ang makakukuha sa mga isla, kundi sino ang may tapang at lakas upang ipagtanggol ang nararapat sa kanila: ang Tsina nga ba, o ang Pilipinas?
Comments