Rock Leisure
- Romarico Ayson and Paolo Nolasco
- Oct 11, 2016
- 3 min read
Rock Leisure -- kadalasan ay napapanood at napakikinggan natin sila tuwing mayroong patimpalak sa eskwelahan tulad ng Music Fest o kaya sa mga kaganapan sa ating paaralan gaya ng Load ‘Em Up. Ang banda ay binubuo nina Danjo Nicdao (vocals), James Carpina (co-vocals), Ramon Torres (lead guitar), Giulio de Ocampo (rhythm guitar), Markus Rosales (bass guitar) at Adrian Diamat (drums). Nang sila’y tanungin kung saan nila nakuha ang pangalang “Rock Leisure,” sinabi nila na nakuha nila ito mula lamang sa isang band name generator. “Effortless,” ayon sa kanila, hindi nila binigyang-diin ang pagpapangalan sa kanilang banda dahil naniniwala sila na sa kanila mismo manggagaling, at wala sa pangalan ng banda ang mga impresyon at reputasyon na makukuha nila.
“Nabuo ang Rock Leisure sa chichirya, softdrinks, at jamming sa Gate 9 namin ni Giulio. Pareho kaming kasama sa guitar club at mahilig sa iisang genre na rock at metal.” Diyan nagsimula ang lahat ayon kay Ramon Torres, ang lead guitarist ng banda. Isa sa mga bagay na nagtulak sa kanila upang ituloy at palakihin ang banda ay ang kagustuhang makapasok sa Music Fest, isang patimpalak sa Claret kung saan nagpapasiklaban ang mga kalahok sa larangan ng musika. Kaya naman agad silang naghanap ng maaaring maging lead vocalist, at doon na nila nahanap si Danjo Nicdao, na isang miyembro ng koro noong panahong iyon. Para sa kanila, si Danjo ay kilala bilang napakabait at banal na estudyante. Kinausap lang siya at ‘di nagtagal ay pumayag na siyang maging lead vocalist. Kasunod naman nilang kinailangan ang isang bassist. Alam nilang sila’y mahihirapan dahil kaunti lamang ang interesado na sumali sa banda, at mas kaunti naman ang gusto maging bassist. Buti na lamang ay nakilala nila si Markus Rosales, na noon ay bagong mag-aaral pa lamang sa Claret. Hindi na sila nagdalawang-isip pa na isama siya sa banda dahil sa pinakitang talento ni Markus sa pagtugtog. Mayroon ng vocalist at guitarists; ang kulang na lamang ay ang drummer. Si Adrian Diamat na ang kanilang prayoridad para sa pagiging drummer ngunit mayroon na siyang ibang banda, at ang bandang ito ay ang kanilang makakatapat sa auditions para sa Music Fest. Dahil palapit na nang palapit ang patimpalak, naisipan na lang nilang pakiusapan si Adrian na maging pansamantalang drummer muna para sa kanila. “Pinakiusapan namin si Diamat na kung pwede ay maging drummer muna namin siya kahit sa Music Fest lang. Dumating ang auditions na buo kaming lima at sinuwerteng makapasok sa finals. Hindi man nakapasok ang isang banda ni Diamat ay nakapasok naman kami kung saan siya ang substitute”.
Dumating na ang kauna-unahan nilang paglahok sa Music Fest. Hindi nila maiwasang kabahan, ngunit ‘di sila nagpaapekto rito at ginawa pa rin nila ang lahat ng kanilang makakaya. Dahil sa kanilang determinasyon at husay, sila ang hinirang bilang kampeyon. Ito ang naging dahilan kung bakit mas naging buo sila bilang banda. Nanatiling permanente ang mga miyembro ng grupo at naisipan na nilang gumawa ng mga sariling kanta. Dahil sa husay sa pagkanta at madalas na panonood ni James Carpina sa mga ensayo ng banda, naisipan nilang isali siya at tumayo bilang co-vocalist ni Danjo.
“Di pa namin matatawag na matagumpay talaga ang banda namin, siguro nag-uumpisa pa lang maging matagumpay kasi we’re still young and gumagawa pa lang kami ng original songs,” sagot ni Adrian Diamat. Sila’y lubos na natutuwa dahil sa suporta na ipinapakita ng kanilang mga kapwa mag-aaral. Nararamdaman nila ang halaga na ibinibigay ng mga Claretiano pagdating sa kanilang mga tugtog at kanta.
Marami na rin silang magaganda at bagong karanasan bilang isang banda. Ilan na rito ay ang pagtugtog nila sa mga bar at sa iba’t ibang paaralan. Kaya bilang kanilang mga kapwa estudyante, nararapat lamang na ipakita at ibigay natin sa kanila ang ating buong pagsuporta. Tandaan natin na binubuhat na rin nila ang pangalan ng ating paaralan sa larangan ng musika kaya nararapat lamang na tulungan natin sila sa lahat ng kanilang pagdaraanan.
Comments