Pinning Ceremony, idinaos dahil sa SHS
- Anthony Herrera and Jaden Jardiolin
- Oct 18, 2016
- 2 min read

Nagbibigay ng ilang pahayag si Krizia Estrella, isa sa mga bagong babaeng estudyante ng Senior High School. (Kuha ni Joaquin M. Arriola)
Upang magsilbing opisyal na paghirang ng ikalabing-isang baitang (Batch Q, 2018) bilang unang pangkat ng mga mag-aaral na sasabak sa Senior High School (SHS), idinaos ng Claret School Quezon City (CSQC) ang kauna-unahang Pinning Ceremony ng paaralan noong Hulyo 29, 2016 sa Bulwagang awdyo-biswal.
Ito’y munting paraan upang maitatag na ang titulo ng mga estudyanteng nakatapos na ng Junior High School, bilang pagtugon sa bagong kurikulum na itinakda ng Departamento ng Edukasyon – ang K-12 program.
Nagsimula ang daloy ng programa sa pambungad na pananalita ng punungguro ng Mataas na Paraalan ng CSQC na si G. Paolo Josef L. Blando, na nagbigay ng motibasyon at pagpuri sa kanyang mga minamahal na mag-aaral sa kanilang nakamit na milyahe sa kanilang buhay bilang estudyante. Isinama rin niya na hindi roon nagtatapos ang pag-aaral, kundi dito nagsisimula ang panibagong yugto ng pagiging mas responsable at seryosong mag-aaral.
Matapos ang nasabing introduksyon, agaran nang dumako sa layunin ng programa ang mga adminstrador at mag-aaral – ang isahang pagkabit ng Batch Q ng kanilang mga pin – kung saan ang mga bagong lipat na estudyante ay isa-isang dinikitan ng pin ng mga administrador at guro. Ilan sa mga nanguna sa paglalagay ng pin ng mga mag-aaral ay sina G. Bonifacio S. Suficiencia, G. Keith A. Nicodemus, at Gng. Laarni D. Buenaventura.
Matapos ang nasabing bahagi ng programa, pinangunahan naman ni G. Dwight Anthony Palma ng 11-SAH ang pagbigkas ng Claretian Oath, bilang isang paraan ng pagpangako ng katatagan at katapatan sa mga responsibilidad at tungkuling naka-atas sa mga mag-aaral ng Senior High School.
Kasunod nito ang magkabilang pagpapahayag nina G. Michael Monje ng 11-SBA, at Bb. Krizia Estrella ng 11-SLR, isa sa mga kauna-unahang babaeng mag-aaral ng paaralan nang buksan ng CSQC ang oportunidad upang tumanggap ng mga babaeng mag-aaral, ng kanilang mga saloobin hinggil sa kahaharaping buhay bilang mga mag-aaral sa SHS. Nabanggit ni Bb. Estrella ang kasiyahan niya sa kanyang mga karanasan bilang isang Claretiana at nabanggit din ang kanyang planong manatili bilang isang Claretiana upang tapusin ang SHS dahil na nga sa kalidad ng kahusayan ng paaralan.
Ang bawat mag-aaral ay pumasok nang nakapormal na kasuotan, na simbolismo ng kanilang estado bilang mga batang propesyonal sa henerasyong kasalukuyan, na siya ring mga magsisilbi sa lipunan sa nalalapit na kinabukasan.
Ang mga naging guro ng palatuntunan ay sina Bb. Wilchie Dane Olayres at G. Primier Jan Pascua.
Comments