CBS, may mga bagong namumuno
- Kyle Clarence W. Dela Cruz
- Nov 1, 2016
- 2 min read
Noong nakaraang Hulyo, muling narinig ang tinig ng mga mag-aaral sa Mataas na Paaralan ng Claret nang matagumpay na maidaos ang taunang halalan ng Central Board of Students, o mas kilala sa tawag na CBS, para sa kanilang executive board sa kasalukuyang taong pampanuruan. Sa unang pagkakataon, nagwagi sa naturang halalan ang isang babaeng mag-aaral mula sa ikalabing-isang baitang.
Sa isang panayam sa tagapayo ng Central Board of Students na si G. Jefferson Zabala, kanyang naipahayag ang kanyang pagiging optimista sa bagong tatag na executive board ng CBS. Ayon sa kanya, karamihan sa mga nahalal na mag-aaral ay batikan at subok na sa larangan ng pamumuno ngunit naniniwala rin siya na ang mga nahalal na baguhan pa lamang sa nasabing larangan ay makapagdadala ng mga bagong ideya at konsepto na magiging kapaki-pakinabang sa mga gawain at proyekto ng samahan.
Sa pagkakadagdag ng Senior High School sa kurikulum ng paaralan, naniniwala si G. Zabala na nakatulong ito sa paghatid ng mga student-leader mula sa ibang paaralan na siya ring makatutulong upang maging mas malawak ang kaalaman at kapasidad ng organisasyon. Sa pagtatapos ng panayam, sinigurado ni G. Zabala na sa kanyang termino bilang tagapayo ng organisasyon, pagsusumikapan ng Central Board of Students na higit pang mapagbuti ang mga taunang proyekto nito at makabuo ng mga bagong proyekto na tiyak na makatutulong sa loob at labas ng institusyon.
Isa sa mga gawain ng CBS ay ang pagdaraos ng mga taunang proyekto hindi lamang para sa institusyon, kundi para na rin sa mga katuwang nitong komunidad na tumutulong sa mga iba’t ibang sekta ng lipunan, lalo na ang mga nasa abang kalagayan. Ilan lamang sa mga proyekto ay ang Load ‘Em Up, Unang Hirit, TuKlas, Gratitude Day, IHMP Christmas Party, Libreng Tuli, HaGupit, at Huling Hirit.
Narito ang mga pangalan ng mga nagwaging kandidato sa bawat baitang:
Ikapitong baitang: Aiji Alvior, John Aquino
Ikawalong baitang: Sean Evangelista, Alfonzo Flores
Ikasiyam na baitang: Rufino Aresta, Kristoffer De Leon
Ikasampung baitang: Renzo Bartolome, Karl Capulong, Nicoli Maduramente
Ikalabing-isang baitang: Andre Amorin, Edward Angeles, Krizia Estrella, Dwight Palma, Paolo Quintana
Ikalabindalawang baitang: Timothy Arambulo, Amiel Bicaldo, Gabriel Gatchalian, Matthew Limbo, Vincent Millora
Comments