Bawat Tao'y Sisidlan ng Karanasan
- Isaac Joshua C. Ramos and Miguel L. Canet
- Nov 29, 2016
- 4 min read
Hindi maipagkakailang lahat tayo ay may karanasan sa pagiging mga pasahero. Sa bawat biyahe natin ay mayroon tayong sinasakyang mga behikulo na nagdadala sa atin sa mga lugar kung saan ating nakasasalamuha ang iba’t ibang uri ng mga tao. Kadalasan, dumaraan lamang ang mga taong ito; kasama ng oras na hindi natin namamalayan at hindi natin napapansin nang mabuti ang iba’t ibang personalidad na sa totoo lamang ay may kanya-kanyang mga kwentong maibabahagi. Ngunit para kay Gng. Primalou Lucido, na grade level leader ng Grade 12 at mas kilala sa pangalang Ms. Prime, hindi pinapadaan lamang ang mga kwentong ito 'pagkat ito'y pinakikinggan.
Si Gng. Lucido ay isang commuter. Madalas sa kanyang mga biyahe, pinipili niyang makipag-usap sa mga kasama niyang pasahero. Bilang katunayan, gumawa pa nga siya ng isang aklat na pinamagatang “The Chronicles of a Pasahero.” Hindi ito ang unang libro na isinulat ni Gng. Lucido; ito na ang kaniyang pang-apat na aklat. Ayon sa kanya, nakatulong na siya sa pagsulat ng tatlong aklat na pang-agham para sa ika-11 na baytang at sa mas mababang baytang subalit ang pagsulat ng Chronicles ay isang bagong karanasan para sa kanya. Ito ay dahil sa kabila ng kanyang pagkahilig sa pagsulat, hindi raw niya inakalang makasusulat siya ng isang aklat na may relihiyosong tema.
Sa isang panayam, sinabi ni Gng. Lucido na bago niya tuluyang isinulat ang aklat, maraming tao ang naghikayat sa kanyang gawin ito. Kabilang na rito ang kanyang mga kaibigan, katrabaho at kapwa guro, at maging ang mga dating mag-aaral sa Paaralang Claret tulad ni Atty. Dino de Leon na naging pinuno ng ilang organisasyon sa Claret noong siya ay nag-aaral pa. Naiwang nakabinbin sa listahan ng mga hindi matapos-tapos na gawain ni Gng. Lucido ang aklat na ito. Gustuhin man niya itong simulan at tapusin ay inamin niyang mahirap itong gawin dahil sa dami ng kinakailangang asikasuhin sa opisina. Nanatiling isang nakalutang na kaisipan ang aklat; hanggang nakatanggap ng planner noong Pasko ng 2014 si Gng. Lucido. “Natuwa ako sa mga sulat-sulat,” sabi ni Ms. Prime at ito na rin, ayon sa kanya, ang nag-udyok sa kanya na ituloy na nga ang kanyang aklat.
Chronicles
Ang “The Chronicles of a Pasahero” ay isang koleksyon ng labindalawang kwento na kung tawagin niya ay mga encounters --- mga anekdota ng mga pangkaraniwang taong bukas-pusong naglahad at nagbahagi ng kanilang mga karanasan at pananaw sa buhay. Dahil dito, nakita at naramdaman ng may-akda ang kahanga-hanga at nakaaantig na mensahe ng Diyos. Tampok dito ang sari-saring uri ng karanasan at emosyon, mula sa pinakamalulungkot at nakasasawi hanggang sa masasaya at nakasasabik na kwento ng pag-iibigan. Tampok din dito ang mga paboritong berso ni Ms. Prime mula sa Bibliya, mga kasabihan ng kanyang mga paboritong santo, at mga dasal para sa mga bumabiyahe.
Ang biyahe tungo sa mga istante
Hindi naging madali ang tinahak na daan ni Gng. Lucido upang makarating ang aklat niya sa mga istante sa merkado. Nang natapos niya ito sa loob ng dalawang linggo, ipinakita niya ito sa isang kaibigang nagmungkahi sa kanyang dalhin ito sa isang kilalang bookstore. Nang kanya itong ipinakita sa bookstore, inalok siya ng malaking halaga ngunit ibebenta ang aklat nang may ibang pangalan ng may-akda, kung kaya’t tinanggihan ito ni Gng. Lucido. Sa kabila nito ay hindi siya nagpatinag. Ipinabasa niya ang aklat at humingi siya ng payo mula sa kanyang mga kaibigan, kasama na sina Fr. Salvador “Buddy” Agualada Jr. at Fr. James Castro, na kapwa naging school director ng Claret. Kapwa nilang sinabi na maganda ang aklat at ipinadala ito ni Fr. Castro sa Claretian Publications upang mailimbag ito. Ngunit bago ito tuluyang maipamahagi, iminungkahi ni Sir Bob na siyang nangangasiwa ng paglathala na magkaroon ito ng paunang salita o foreword. Pinuntahan ni Ms. Prime si Fr. Castro para dito, ngunit sinabi na lamang ng kaibigan na mas mabuti kung isang taong matunog ang pangalan ang gagawa ng kanyang foreword.
Napaisip si Ms. Prime kung sino ang maaaring makagawa nito para sa kanya. Sa kanyang pagninilay-nila ay humantong siya sa isang pangalang masasabi namang marami-rami rin ang nakakikilala: Fr. Socrates Villegas, D.D., ang arsobispo ng Lingayen-Dagupan at presidente ng Catholic Bishop’s Conference of the Philippines. Bagamat wala silang koneksyon, sinubukan pa ring makipag-usap ni Ms. Prime kay Fr. Soc at agad niyang hinanap ang e-mail address ng pari sa internet. Nang nakahanap na siya ng e-mail address na wari niya’y pagmamay-ari na nga ng pari, sumulat siya ng e-mail kung saan inilahad niya ang nag-iisang engkwentro niya sa pari. Dito nailahad na hinawakan ni Fr. Villegas ang anak ni Ms. Prime at sinabing magpari iyon. Matapos nito ay inilahad din niya ang tungkol sa kanyang aklat at sa foreword nito. Pagkatapos ng labimpitong minuto, nakatanggap siya ng reply galing kay Socrates Villegas: “I am glad to make you one.”
Sa balitang ito ay lubhang nagalak si Ms. Prime sapagkat iyon na rin ang huling hakbang upang tuluyang maipalimbag ang aklat. Dinagdagan pa ito ng mga litrato upang maging mas nakahahalina ang pagbasa rito. Natapos ang publikasyon noong ika-20 ng Oktubre, 2015 at opisyal na itong inilunsad noong ika-25 ng Oktubre. Mula noong ito ay inilunsad, marami nang tao ang bumili at nagbasa nito. Ayon kay Ms. Prime ay nakatanggap din siya ng katuwa-tuwang mga mensahe o feedback. Sa katunayan nga ay noong nakaraan lang na ika-17 ng Setyembere, 2016 ay nagkaroon ng book signing event si Ms. Prime sa booth ng Claretian Publication sa SMX para sa 37th Manila International Book Fair. Nang tanungin kung may plano siyang magsulat pa ng ibang aklat, sinabi niyang sinusulat niya ngayon ang “Chronicles of a Suki.”
Pasahero sa biyahe ng buhay
Ang aklat ni Gng. Lucido ay ebidensya na lahat tayo, kahit iyong mga inaakala nating ordinaryo lamang at walang masasabi ay may maibabahaging kwento. Lahat tayo ay mga sisidlan ng nag-uumapaw na mga kwentong minsan ay pinipili nating itago o kaya naman ay ilahad sa harap ng mundo. Sa ating pakisasalamuha sa bawat isa, ang ating mga galaw at pag-uusap ay nagiging pagpapalitan hindi lamang ng mga salita at enerhiya ngunit maging ng karanasan, kaalaman, katauhan, at pagkatao. Ang bawat binibitawan nating akto at tunog ay pagpapakilala ng ating mga sarili na maaaring makaantig ng ibang tao. Nawa ay hayaan nating maturuan natin ang iba sa pamamagitan ng ating mga salita at gawain. O hindi kaya naman ay gaya ng napagtanto ni Ms. Prime nang natapos niya ang aklat, matuto tayo mula sa ibang tao, sapagkat sila rin ay may mga kwentong mahalaga at ang mga ito ay karanasang kasama ang Maykapal.
Comments